MANILA, Philippines – Malugod na tinanggap ni Senator Risa Hontiveros nitong Martes ang desisyon ng Supreme Court na nagpapatibay sa hatol laban sa mga pulis na responsable sa pagkamatay ni Kian delos Santos.
Ayon sa senador, malinaw sa ruling na pinatay ang binatilyo at hindi ito nanlaban.
Sinabi ni Hontiveros na tuluyang ibinasura ng Korte Suprema ang mga pahayag ng tatlong pulis, at iginiit na walang naganap na engkwentro at walang dalang armas si Kian nang siya ay mapatay.
“Malinaw ang hatol ng Korte Suprema: Pinatay nang walang kalaban-laban si Kian delos Santos. Walang engkwentro at hindi siya nanlaban. Hindi totoo ang mga palusot ng tatlong pulis na pumatay sa kanya,” ani Hontiveros.
Binigyang-diin ng senador na, batay sa ruling, hinding-hindi maaaring bigyang-katwiran ang pagpatay sa mga menor de edad at mga walang kalaban-laban bilang bahagi ng tungkulin ng pulisya.
Dagdag pa niya, ang desisyon ng Korte Suprema ay nagsisilbing inspirasyon para sa mga human rights advocates, abogado, civic groups, at sa mga pamilya ng iba pang biktima ng kampanya kontra droga.
Ayon pa kay Hontiveros, dapat ding managot ang mga opisyal na umano’y nagtangkang pagtakpan ang krimen at nagpakalat ng maling salaysay upang bigyang-matwid ang pagkamatay ni Kian. Aniya, marami pang pang-aabuso na may kaugnayan sa drug war ang nananatiling hindi nareresolba. RNT/MND