Home HOME BANNER STORY Hatol sa 3 parak sa pagpatay kay Kian Delos Santos sa war...

Hatol sa 3 parak sa pagpatay kay Kian Delos Santos sa war on drugs, pinagtibay ng SC

282
0
(c) Remate File Photo

MANILA, Philippines – Pinagtibay ng Korte Suprema ang hatol laban sa tatlong pulis sa pagpatay sa 17-anyos na si Kian delos Santos sa Caloocan City noong 2017 sa kasagsagan ng anti-drug operation.

Sa isinulat na desisyon ni Associate Justice Jhosep Y. Lopez, napatunayang nagkasala ang mga pulis na sina Arnel Oares, Jeremias Pereda, at Jerwin Cruz.

Bukod sa hatol na reclusion perpetua o Hanggang 40 taong pagkakakulong, inatasan din ang mga akusado na magbayad ng P275,000 bilang danyos sa pamilya ng biktima.

Batay sa records ng kaso, gabi noong August 16, 2017 nang pigilan at hinalughog si Kian sa Barangay Baesa, Caloocan.

Sinaktan umano ang biktima at pinilit na magkunwaring may hawak na baril bago dalhin sa madilim na lugar, batay na rin sa pahayag ng mga testigo.

Kasunod nito, pinaputukan ng ilang beses si Kian nina Oares at Pereda, habang nagbabantay naman si Cruz.

Iginiit ng mga pulis na rumesponde lamang sila sa sumbong ng ilegal na droga, subalit hindi ito kinatigan ng hukuman at sinabi ng SC na kumpleto ang lahat ng elemento ng murder.

Sa pagsusuri ng medico-legal, posibleng nakaupo o nakaluhod si Kian nang barilin at wala umanong kakayahang ipagtanggol ang sarili.

Tinanggihan din ng hukuman ang depensa na ginagawa lamang ng mga pulis ang kanilang tungkulin at iginiit na hindi kailanman bahagi ng lehitimong operasyon ang pagpatay lalo na sa isang menor de edad. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here