Home NATIONWIDE Hatol sa lalaki ng nanghipo sa pwet ng dalagita, kinatigan ng SC

Hatol sa lalaki ng nanghipo sa pwet ng dalagita, kinatigan ng SC

MANILA, Philippines – Pinagtibay ng Supreme Court ang hatol na guilty sa akusado na hindi nakatiis at itinaas ang palda ng isang 16-anyos na dalaga para hawakan ang puwet nito.

Sa desisyon ng SC 2nd division, kinatigan ang ruling ng mababang korte na guilty ang akusado sa kasong lascivious conduct sa ilalim ng Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

Ayon sa ruling ng Korte Suprema, nakita nito na malinaw, “candid,” at “categorical” ang testimonya ng 16-anyos na biktima sa ginawa sa kaniya ng akusado na isang lascivious conduct.

Dahil dito, pinagtibay ng SC ang parusang pagkabilanggo ng 14 taon at walong buwan hanggang 20 taon laban sa akusado.

Pinagbabayad din ang akusado ng P150,000 na danyos sa biktima na may 6% per annum na legal interest rate mula sa petsa ng finality ng desisyon hanggang sa makumpleto ang bayad.

Kaugnay nito, inirekomenda naman ng Korte Suprema sa Pangulo sa pamamagitan ng Department of Justice (DOJ) na pag-aralan na pagaanin ang parusa laban sa akusado dahil sa mabigat na sentensya laban dito.

Sinabi ng SC na batid nito ang argumento ng akusado na ang parusa sa kaniya ay “disproportionate” o hindi katimbang ng krimen na ginawa nito at mga sirkumstansiya.

Pero iginiit ng Korte Suprema na gampanin nito na ipatupad ang buong bigat ng batas at ipataw ang nararapat na parusa sa krimen. Teresa Tavares