MANILA, Philippines – Ipinagmalaki ng Department of Justice (DOJ) ang tagumpay ng estado matapos hatulan ng Regional Trial Court Branch 45 sa Tacloban City ang dalawang miyembro ng Communist Party of the Philippines–New People’s Army (CPP-NPA).
Napatunayang lumabag sina Frenchie Mae Cumpio at Marielle Domequil sa Section 8 ng Republic Act 10168 o Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012, dahil sa pagbibigay ng pondo at ari-arian sa CPP-NPA sa Catbalogan City, Samar.
Ayon sa DOJ, ang hatol ay resulta ng masusing imbestigasyon, kabilang ang pagkakarekober ng mahigit kalahating milyong pisong cash at ang financial investigation ng Anti-Money Laundering Council, na ginamit bilang ebidensya.
Binanggit din ng DOJ na ang desisyong ito ay nagpapakita ng matibay na paninindigan ng pamahalaan laban sa terorismo, lalo na sa pagputol ng mga network na nagbibigay ng suportang pinansyal sa mga teroristang grupo.
Hinatulan ang dalawa ng Tacloban RTC noong Enero 23 ng taong kasalukuyan ng pagkakakulong ng 12 hanggang 18 taon.
Kasalukuyang nakadetine sina Cumpio at Domequil sa Tacloban City Jail simula nang maaresto sila noong Pebrero 7, 2020.