MANILA, Philippines – Matinding kinuwestiyon ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa ang memorandum of agreement (MOA) ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth), Development Bank of the Philippines (DBP) at Tingog Party-list para sa Rural Financing Health Development Program.
Sa kanyang privilege speech, sinabi ni Dela Rosa na kuwestiyonable ang kasunduan dahil wala ang Department of Health (DOH) na pangunahing ahensiya na nangangalaga ng kalusugan ng mamamayan.
“Sa taun-taon nating binabalangkas ang national budget, ang Department of Health (DOH) lamang ang nakikitaan ko ng programa patungkol sa mga health infrastructure,” ani Dela Rosa sa privilege speech.
“In addition, the DOH has the mandate to provide technical assistance, consultation, and advisory services to stakeholders regarding health facilities regulation. More to the point, it is the DOH which issues the so-called Certificate of Need whenever a government or private entity desires to establish a new hospital,” giit niya.
“Kaya naman, nakapagtataka para sa akin, bakit kaya hindi naisama ang DOH sa isang programa na sa ating pagtingin ay bahagi o nauugnay sa mandato nito ,” tanong ng senador.
Partikular na kinuwestiyon ni Dela rosa ang papel ng Tingog Partylist, na pinangungunahan ng kabiyak ni Speaker Martin Romualdez hinggil sa MOA na kaduda-duda.
“Bakit kaya mas pinili ng DBP at Philhealth na makasama sa kanilang MOA ang isang Partylist kaysa sa Department of Health? Gusto ko rin pong malinawan?”
“Sa isang banda, nakakapagtaka rin po kung bakit hindi rin mas pinili ng DBP at PhilHealth ang Department of Interior and Local Government na may mandato to exercise general supervision over local government units?” giit pa ng senador.
Pinapangunahan ang Tingog Partylist ni Rep. Yedda Marie Romualdez, kabiyak ni Romuladez.
Ayon kay Dela Rosa, na “The supposed agreement “Maalagang Republika: Rural Financing Health Development Program” seeks to expand hospital infrastructure and improve healthcare financing in the country.
“Mas may kapasidad ba ang Tingog Partylist kaysa sa DOH at DILG para mag assist and coordinate with LGUs (Does Tingog Party-list have the capacity to assist and coordinate with local government units than the DOH and DILG) in ensuring their participation to the program intended to rehabilitate, expand, or construct LGU hospitals? O kaya naman ay makapag-provide ng (Or can they provide more) complementary programs and trainings to ensure the fiscal viability of the operations of the hospital?” aniya saka binanggit ang ilang obligasyon ng Tingog Party-list sa ilalim ng kasunduan.
“Ang tanong ng lahat sa kasunduan na pinirmahan ng PhilHealth, DBP, at Tingog Partylist: Legal ba ito? Ethical ba ito?” ani Dela Rosa.
“Hinaluan at hahaluan ba ng politika ang mga programang pangkalusugan? Masasabi ba natin na ito’y purong etikal at legal, at walang halong adyendang pulitikal? Mayroon po bang nalalabag na batas kagaya ng mga paratang ng ibang mga nakapansin sa timing ng programang ito?,” giit ng senador.
Sinabi ni Dela Rosa na kanyang kukuwestiyunin ang MOA at papel ng Tingog Party-list sa programa kapag nagsagawa ang Senate Committee on Health and Demography ng imbestigasyon sa kasunduan
“Asahan niyo po, hinding-hindi po ako mahihiyang magtanong,” aniya. Ernie Reyes