Home NATIONWIDE Heat break para sa mga manggagawa suportado ng DOH

Heat break para sa mga manggagawa suportado ng DOH

MANILA, Philippines- Sa gitna ng matinding init na nararanasan sa bansa, binigyang-diin ni Health Secretary Ted Herbosa nitong Huwebes ang kahalaghan ng pagbibigay ng heat break sa mga manggagawa lalo na ang mga nakalantad nang direkta sa ilalim ng araw upang maiwasan na makaranas ng heat-related illnesses.

Ito ang inihayag ni Herbosa sa press conference kasunod ng ulat na isang 75 anyos na lalaki ang namatay sa Ilocos Sur dahil sa posibleng heat stroke.

Kaya naman, ikinatuwa ni Herbosa ang hakbang ng Department of Labor and Employment (DOLE) na payagan ang mga empleyadong may problema sa kalusugan na pinalala ng mataas na heat index na makapaghain ng leave of absence.

Sinang-ayunan din ang mungkahi na gawin ng construction workers ang kanilang trabaho sa gabi kung saan ang temperatura ay mas malamig.

Noong 2023, naglabas ang DOLE ng Labor Advisory 08, na nagbibigay ng mga patnubay para sa pagtugon sa mga sitwasyon ng matinding init.

Gayunman, nangatwiran ang House Assistant Leader na si Arlene Brosas na ang advisory na ito sa paggawa ay “hindi nagpoprotekta” sa mga panlabas na manggagawa at informal workers, kabilang ang mga nasa agrikultura, pantalan, construction, delivery riders, at iba pang platform workers na nasa panganib ng heat stress at heat stroke.

Hinimok ni Brosas ang administrasyong Marcos na maglabas ng executive order na nag-uutos ng heat break o special o unscheduled breaks sa trabaho kapag matindi ang init ng panahon.

Nagbabala ang DOH sa publiko laban sa heat-related illnesess na nagiging mas laganap sa matinding temperatura.

Pinapayuhan ang publiko na gumawa ng mga hakbang sa pag-iwas laban sa mga sakit na nauugnay sa init, kabilang ang pag-inom ng maraming tubig, at iwasan ang mga inumin tulad ng iced tea, soda, kape o alcoholic drinks o alak.

Dapat ding limitahan ng publiko ang paglabas ng bahay sa pagitan ng alas-10 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon at gumamit ng proteksyon laban sa sunburn tulad ng sumbrero, payong, sunblock at magsuot ng maluwag at komportableng damit. Jocelyn Tabangcura-Domenden