Home NATIONWIDE Posibleng kinaroroonan ng Quiboloy hinahalughog ng PNP

Posibleng kinaroroonan ng Quiboloy hinahalughog ng PNP

MANILA, Philippines- Sinisilip ng mga awtoridad ang mga posibleng lokasyon ni Kingdom of Jesus Christ leader Apollo Quiboloy matapos hindi mamataan ang huli sa mga property nito sa Davao City at Samal Island, ayon sa Philippine National Police (PNP) nitong Huwebes.

Sinabi ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo inasistihan ng PNP at National Bureau of Investigation (NBI) ang Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA) ng Senado sa pagsisilbi ng arrest order kay Quiboloy  nitong Miyerkules.

“Tatlo po yung lugar na pinasyalan po nila kahapon but unfortunately wala nga po doon at hindi natsempuhan doon si Pastor Quiboloy,” pahayag ng opisyal sa isang press briefing.

Dahil dito, tanging mga abogado lamang ni Quiboloy ang tumanggap ng arrest order mula sa OSAA. Pinayagan din ng mga abogado na saliksikin ng mga awtoridad ang mga kwarto sa mga nasabing property.

“In fairness naman po doon sa mga lawyers na nag-receive, pinapasok naman po yung mga OSAA members, pati po yung PNP at NBI. Binuksan yung ibang mga kuwarto po doon but again wala doon si Pastor Quiboloy,” ani Fajardo.

Nang tanungin kung nakatanggap ang mga awtoridad ng impormasyon sa posibleng lokasyon ni Quiboloy, sinabi ni Fajardo na sinisilip na nila ang ilang lugar subalit hindi maaaring isiwalat ang mga ito.

“Meron tayong mga lugar na chine-check po ngayon and I am not at liberty to reveal. Yung ating paghahanap ay extended po yan outside Davao Region. As to the specific areas, I am not at liberty to reveal,” sabi ng opisyal.

Naglabas ang Senado ng arrest order laban kay Quiboloy dahil sa “unduly refusing to appear, despite due notices” sa mga pagdinig sa umano’y pagkakasangkot niya sa sexual abuses ng kanyang mga miyembro at human trafficking issues.

Nag-isyu rin ang Davao court ng warrant of arrest laban kay Quiboloy at lima pa sa kasong child abuse.

Apat sa co-accused ang sumuko sa mga awtoridad, habang si Cresente Canada ay naaresto ng NBI agents. Nakapagpiyansa na ang lima habang hindi pa rin nadadakip si Quiboloy.

Nagsagawa ng Senate hearing sa umano’y human trafficking at sexual abuse ng ilang KOJC members, habang tinatalakay ng Kamara ang mga isyu laban sa franchise renewal ng Sonshine Media Network Inc. (SMNI) ni Quiboloy.

Sa United States, ipinag-utos ni Central District of California Judge Terry Hatter Jr. noong March 7 ang paglalantad sa arrest warrants laban kay Quiboloy at kanyang co-accused.

“Upon application of the government, and for good cause shown, the arrest warrants and returns in this case are unsealed,” wika ni Hatter sa kautusan niya na may petsang March 1, 2024.

Makailang ulit na itinanggi ni Quiboloy ang mga akusasyon laban sa kanya. Aniya, haharapin niya ang mga kaso kung matitiyak ng pamahalaan ng Pilipinas na hindi makikialam ang US authorities sa legal proceedings. RNT/SA