Home NATIONWIDE Heat index nagbabadyang umabot sa 48°C ngayong Lunes, Hunyo 17  

Heat index nagbabadyang umabot sa 48°C ngayong Lunes, Hunyo 17  

MANILA, Philippines- Sinabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na posibleng makapagtala ng heat index hanggang 48 degrees Celsius (°C) sa  Eid’l Adha ngayong Lunes, Hunyo 17.

Dahil dito, posibleng umabot sa “dangerous” levels ang heat index sa 28 lugar.

Inihayag ng PAGASA na maaaring pumalo ang heat index sa 48°C sa Aparri, Cagayan at Abucay, Bataan.

Samantala, inaasahan naman sa Dagupan City, Pangasinan; Tuguegarao City, Cagayan; at Casiguran, Aurora ang heat index na 46°C.

Nagbabadya itong sumampa sa 45°C sa Pasay City, Metro Manila; Echague, Isabela; Baler, Aurora; at Daet, Camarines Norte, habang nakaamba naman ang 44°C na heat index sa Bacnotan, La Union; Calayan, Cagayan; at Iba, Zambales.

Base pa sa PAGASA, posibleng makapagtala ang Laoag City, Ilocos Norte; Bayombong, Nueva Vizcaya; Muñoz, Nueva Ecija; Ambulong, Tanauan, Batangas; at Virac, Catanduanes ng heat index na 43°C.

Maaari ring maranasan ang heat index na 42°C sa Itbayat, Batanes; Basco, Batanes; Cubi Pt. Subic Bay, Olongapo City; Tayabas City, Quezon province; Legazpi City, Albay; Masbate City, Masbate; Juban, Sorsogon; Pili, Camarines Sur; Roxas City, Capiz; Mambusao, Capiz; at Dipolog Zamboanga del Norte. RNT/SA