STA. ANA, Cagayan – Sinalubong na ni kamatayan ang hepe ng Sta. Ana Police Station habang nasa hospital matapos na masangkot sa aksidente kung saan tumaob ang minamaneho nitong kotse sa kahabaan ng Sitio Limbus Brgy. Rapuli, Sta Ana, Cagayan.
Kinilala ang biktima na si PMaj. Ranolfo Gabatin, ang hepe ng Police Station ng Sta Ana na residente ng Centro East, Sta Terisita, Cagayan.
Habang nakilala naman ang nagmamaneho ng van na si Joseph Munzon, 56-anyos, magsasaka, na residente ng Sitio Racat Brgy. Rapuli, Sta Ana, Cagayan.
Napag-alaman na kapwa binabagtas ng van at kotse ang Sitio Limbus Brgy. Rapuli patungo sa Brgy. Diora-Zinungan.
Nang makarating sa lugar ng insidente, binusinahan umano ni PMaj. Gabatin ang van at nag-signal na mag-oovertake.
Habang nasa proseso na umano ng pagbalik sa linya ang kotse nang biglang masalpok ng van ang likurang bahagi ng sasakyan na naging sanhi para mawalan ito ng kontrol at tumaob ang sasakyan.
Nagtamo ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan si PMaj. Gabatin na agad namang dinala ng mga rumespondeng rescue team sa Father Gerry Filippeto Memorial Hospital in Brgy. Sta Cruz, Sta Ana, Cagayan.
Ilan oras lamang habang ginagamot si PMaj. Gabatin ay binawian din ng buhay dahil sa mga sugat na tinamo nito sa ibat-ibang bahagi ng katawan.
Sa ngayon, si Munzon maging ang mga sangkot na sasakyan ay dinala na sa Sta. Ana Police Station para sa kaukulang disposisyon. REY VELASCO