MANILA, Philippines – Naaresto ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), sa pakikipagtulungan sa iba pang law enforcement group, ang umano’y high-ranking member ng New People’s Army (NPA) sa Cebu City.
Sa news release nitong Sabado, Disyembre 14, kinilala ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rommel Francisco Marbil ang NPA leader bilang si alyas “Marlo,” pinuno ng Squad 1, Sandatahang Unit Propaganda na aktibo sa Negros Island.
Naaresto siya ng mga operatiba ng CIDG bandang 9:30 ng gabi ng Biyernes, Disyembre 13 sa Plaza Sa Katawhan, Cebu Coastal Road sa bisa ng warrant of arrest na inisyu noong Disyembre 22, 2020 ng Regional Trial Court Branch 64 sa Guihulngan City, Negros Oriental.
Kinasuhan si“Marlo” ng double murder at walang inirekomendang piyansa para rito.
Ayon sa PNP, isinagawa ang operasyon batay sa intelligence mula sa ahenteng nakatalaga sa Lapu-Lapu City base ng Philippine Air Force, na nagkukumpirma sa presensya ng wanted communist insurgent members sa lugar.
Dinala sa CIDG Cebu Office ang suspek para sa dokumentasyon at pansamantalang detention. RNT/JGC