MANILA, Philippines – Tatlo katao ang nasawi habang isa ang sugatan nang walang habas na mamaril ang 40-anyos na lalaki na pinaniniwalaang nasa impluwensya ng illegal na droga, sa Barangay Maribago, Lapu-Lapu City nitong Biyernes ng gabi, Enero 17.
Kinilala ng pulisya ang suspek na si Eduardo Taghoy Jr.
Pinaniniwalaan ng mga awtoridad na high si Taghoy sa illegal na droga nang barilin nito ang mga biktima na naglalakad lamang sa kalsada.
Sa panayam, sinabi ng suspek na binulungan umano siya ng demonyo na magpaputok ng baril sa mga taong makikita nito.
Sinabi ni Polic Lt. Col. Christian Torres, spokesperson ng Lapu-Lapu City Police Office, na nasawi on the spot ang 26-anyos na photographer, babaeng lending collector, at Ngangang Aying.
Dinala naman sa ospital ang construction worker na tinamaan din ng bala ng baril.
Anang pulisya, si Aying ang unang pinaputukan ng suspek.
Agad naman na naaresto ang suspek matapos ang pamamaril na umuwi pa sa bahay nito.
Narekober ang hinihinalang shabu at .45 kalibreng pistola mula sa suspek.
Dati na itong naaresto dahil sa illegal na droga at lumaya lamang apat na buwan ang nakalilipas. RNT/JGC