MANILA, Philippines – Nadakip sa isinagawang checkpoint operation ng mga tauhan ng Sub-station 11 ng Taguig City police matapos makuhanan ito ng mahigit ₱560,000 halaga ng pinatuyong dahon ng marijuana Miyerkules ng madaling araw, Agosto 7.
Kinilala ng Taguig City police ang inarestong suspect na si alyas Carlito, 24.
Base sa report na isinumite ng Taguig City police sa Southern Police District (SPD), naganap ang pagdakip sa suspect dakong ang alas 3:00 ng madaling araw sa kahabaan ng JP Rizal Extension, Barangay Cembo, Taguig City.
Sinabi ng SPD na sa mga oras na iyon ay nagsasagawa ng police checkpoint ang mga tauhan ng Sub-station 11 sa nabanggit na lugar nang mapadaan ang suspect lulan ng kanyang minamanehong motorsiklo at masita ito.
Tatlong beses pang di-umanong hindi sumunod sa sinabi ng mga operatiba ang suspect hanggang sa bumangga na lamang ito sa isang signage sa lugar na naging dahilan ng kanyang pagkakaaresto.
Narekober sa posesyon ng suspect ang dalawang papahabang cling wrap na nakabilot ng kulay kayumangging packaging tape na naglalaman ng hinihinalang marijuana; isang brick rectangular shape self-sealing transparent plastic sachet na naglalaman ng pinatuyong dahon at fruiting tops ng hinihinala ring marijuana; tatlong vacuum-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng pinatuyong dahon at fruiting tops ng hinihinala ring marijuana; isang malaking vacuum-sealed transparent plastic sachet ng pinatuyong dahon at fruiting tops ng hinihinala ring marijuana; isang machine-sealed pack na kulay puting sachet ng vape cartridge na naglalamaan ng hinihinala ring marijuana/cannabis oil na may bigat na 3.505 kg na nagkakahalaga ng ₱420,600; siyam na disposable vape cartridge na naglalaman din ng marjuana/cannabis oil na nagkakahalaga ng ₱45,000; anim na kulay pulang disposable vape cartridge na may marijuana/cannabis oil na nagkakahalaga ng ₱30,000; apat na dilaw na disposable vape cartridge na may marijuana/cannabis oil na may halagang ₱20,000; isang zip lock transparent plastic sachet na mayroong 15 candy Jellybeans na iba’t-ibang kulay na hinihinalang marijuana/cannabis na may timbang na 44 gramo; isang motorsiklo at isang helmet.
Ang nakumpiskang ilegal na droga at vapes na may mayroong kabuuang halaga na ₱563,600 na gagamiting ebidensya laban sa suspect ay dinala sa SPD Forensic Unit upang sumailalim sa chemical analysis.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Article 151 (Resistance or Disobedience to a Person in Authority or the agents of such person), Section 5 (Transportation of dangerous drugs and/or controlled precursors and essential chemicals) at Section 11, Article II ng R.A 9165 ang suspect sa Taguig City Prosecutor’s Office. (James I. Catapusan)