Home METRO Higit ₱6M ipinuslit na parcel ng marijuana nadiskubre sa Las Piñas

Higit ₱6M ipinuslit na parcel ng marijuana nadiskubre sa Las Piñas

MANILA, Philippines – Umabot sa ₱6,120,000 halaga ng unclaimed parcel na naglalaman ng pinatuyong dahoon ng marijuana ang nadiskubre at isinuko sa pulisya ng isang forwarding company sa Las Piñas City Martes ng gabi, Enero 7.

Base sa report na natanggap ni Southern Police District (SPD) director PBGEN Manuel J. Abrugena, isinagawa ang operasyon na pinangunahan ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) na nakipag-ugnayan sa Regional Drug Enforcement Unit (RDEU), District Intelligence Division (DID), Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Las Piñas City police, Pamplona Sub-Station 2, Forensic Unit ng Southern Police District (SPD), at ng MPD Drug Enforcement Unit bunsod sa natanggap na impormasyon mula sa isang empelyado ng isang forwarding company dakong alas 9:00 ng gabi sa Barangay Pamplona Tres, Las Piñas City.

Sa pagsasagwa ng imbestigasyon ay nadiskubre sa loob ng limang malaking balikbayan boxes ang mga nakaplastik na 51 kilo ng pinatuyong dahon ng marijuana na mayroong fruiting tops na nakahalo sa iba’t-ibang uri ng packages.

Napag-alaman din sa imbestigasyon na ang naturang parcel ay dumating sa bansa noon pang Agosto 2024 at nanggaling sa Thailand na ang tatangap nito ay isang indibidwal na naninirahan sa Parañaque City.

Ayon pa sa nasabing forwarding company, hindi nila makontak ang taong dapat na tatangap ng nabanggit na parcel at ng kanilang bisitahin ang nakasaad na naturang address ay wala ng nakatira dito kung kayat nagdesisyon na silang buksan ang parcel na nagresulta sa pagkakadiskubre ng ilegal na droga.

Isinagawa ang pag-imbentaryo ng mga nakumpiskang ilegal na droga na nakaharap ang mga tauhan ng Barangay Pamplona Tres gayundin ang representante ng Department of Justice – Office of the City Prosecutor (DOJ-OCP) ng Las Piñas City.

Sinabi ni Abrugena na kanyang ipinag-utos ang patuloy na imbestigasyon sa naturang kaso at ipinagdiiinan ang kahalagahan ng pagkakadiskubre ng ilegal na droga na nakapigil sa pagbebenta nito sa merkado. James I. Catapusan