MANILA, Philippines – Arestado ang apat na high value individual (HVIs) kabilang ang isang dating miyembro ng Intelligence Service ng Armed Forces of the Philippines-Philippine Air Force (ISAFP-FAP) na nagdulot din ng pagkabuwag ng kanilang drug den sa ikinasang buy-bust operation na pinangunahan ng District Drug Enforcement Unit ng Southern Police District (DDEU-SPD) at mga tauhan ng District Intelligence Division (DID-SPD), District Mobile Force Battalion (DMFB-SPD), Sub-Station 7 ng Parañaque City police, at ng Philippine Drug Enforcement Agency-Southern District Office (PDEA-SDO) Lunes ng gabi, Nobyembre 11.
Kinilala ni SPD director P/Brig. Gen. Bernard Yang ang apat na HVI suspects na sina alyas J, 37, di-umanoý nagmamay-ari ng drug den; alyas Reymar, 27, dating miyembro ng ISAFP-PAF; alyas Edjane, 33, estudyante, naninirahan sa sinalakay na drug den; at isang alyas Mark Anthony, 25.
Ayon kay Yang, sinalakay ng pinagsanib na pwersa ng mga sangay ng kapulisan na pinangunahan ng DDEU-SPD ang bahay ni alyas J na nagsisilbing drug den sa Barangay Merville, Parañaque City dakong alas 8:05 Lunes ng gabi at nagresulta ng pagkakaaresto ng mga suspects.
Sinabi ni Yang na bukod sa pagkakabuwag ng drug den at pagkakadakip ng mga suspects ay narekober din sa posesyon ng mga suspects ang 225 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱1,530,000 at isang kalibre .9mm pistola na may magazine at kargado ng mga bala.
Ang nakumpiskang mga ebidensya ay dinala sa SPD Forensic Unit para sumailalim sa nararapat na mga test habang ang mga suspects ay kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng DDEU-SPD.
Si alyas J ay nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 at Section 11, Article II ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at si alyas Edjane naman ay kakasuhan ng paglabag sa Section 26 na may kaugnayan sa Section 5, Article II ng RA 9165 habang sina alyas Reymar at alyas Mark Anthony ay sasampahan ng kasong paglabag sa Section 11, Article II ng RA 9165 sa Parañaque City Prosecutor’s Office.
Bukod sa kasong may kaugnayan sa ilegal na droga ay nahaharap din sa kasong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) si alyas J dahil sa baril na nakuha sa kanya sa pagsasagawa ng buy-bust operation. James I. Catapusan