Home HOME BANNER STORY House probe sa OVP funds, politically motivated – VP Sara

House probe sa OVP funds, politically motivated – VP Sara

MANILA, Philippines – Sinabi ni Vice President Sara Duterte nitong Lunes, Nobyembre 11 na politically motivated ang imbestigasyon ng Kamara kaugnay sa hindi tamang paggamit ng pondo ng Office of the Vice President (OVP).

Sa pulong balitaan sa OVP satellite office sa Bacolod City, sinupalpal ni Duterte ang House committee on good government and public accountability na nag-cite in contempt sa apat niyang staff na paulit-ulit na iniisnab ang imbitasyon na dumalo sa pagdinig ng OVP fund itilization.

Ani Duterte, busy ang mga staff nito sa paghahanda sa mga aktibidad, lalo na ang ika-89 anibersaryo ng OVP sa Nobyembre 15.

Aniya, layon ng mga pagdinig na hanapan siya ng butas para mapa-impeach ito.

“They have no evidence of wrongdoing. They are attempting to find fault through the hearings. They are working to destroy the integrity of the Office of the Vice President and its ordinary employees,” sinabi ni Duterte.

Wala naman aniyang problema sa kanya kung gisahin siya.

“What hurts me is when they destroy ordinary people who are just doing their jobs,” dagdag ni Duterte.

Dinamay pa nito si House Speaker Martin Romualdez na nais umanong tumakbo bilang pangulo at kung hindi makuha ang suporta ng publiko ay isusulong ang Charter Change para makatakbo bilang prime minister.

Nang tanungin naman kung tatakbo si Duterte bilang pangulo sa 2028, sinabi nito na wala pa ito sa kanyang plano.

“December 2026 would be the best time to decide for the 2028 polls,” dagdag niya. RNT/JGC