MANILA, Philippines- Mahigit 100 cellular phones, mga susi sa walong sasakyan, at tatlong Indonesian passports ang natuklasan sa tatlong vaults mula sa isang POGO hub na sinalakay sa Lapu-Lapu City.
Itinago ang nasabing items sa tatlong vaults na nasabat sa pagsalakay sa isang hotel sa Barangay Agus nitong Agosto 31, 2024 kung saan matatgpuan ang isang Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) hub.
Isinagawa ang pagbubukas sa tatlong vaults halos isang buwan matapos isagawa ang raid sa compound ng National Bureau of Investigation – Central Visayas Regional Office (NBI-CEVRO) kung saan itinago ang mga vault.
Alinsunod ito sa kautusan ng korte bilang tugon sa mosyong inihain ng NBI-CEVRO.
Nakatakdang maghain si NBI-CEVRO Director, Atty. Renan Augustus Oliva, ng panibagong mosyon sa korte upang mabuksan ang mga cellphone. Giit ni Oliva, malaki ang posibilidad na ginamit ang mga cellphone sa illegal POGO operations.
Nakaamba namang magsampa ang ahensya ng mga karagdagang kaso laban sa 17 suspek na naunang naaresto, 16 sa kanila ang mga dayuhan.
Naghain na ng pitong counts ng qualified human trafficking laban sa kanila. RNT/SA