MANILA, Philippines – Mahigit 10,000 foreign Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) workers ang naghain na para sa visa downgrading bago ang deadline na October 15, sinabi ng Bureau of Immigration (BI) nitong Lunes, Oktubre 7.
Binigyan kasi ang mga ito ng hanggang Oktubre 15 para boluntaryong magdowngrade ng kanilang 9G visas patungo sa tourist visas, at mayroon na lamang silang hanggang katapusan ng taon para umalis ng bansa.
Inabisuhan ni BI Commissioner Joel Viado ang mga foreign POGO worker na wala nang extension ang paghahain at ang mga hindi makatutugon dito ay kailangan nang umalis ng bansa.
Dagdag pa, plano rin ng BI na magsagawa ng implementation days para sa POGO companies kung saan mag-iisyu ito ng exit clearances on-site at tatanggap ang mga tauhan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ng Alien Employment Permits na isusurrender ng POGO workers.
“We are expediting the downgrading process to comply with the President’s directive. We encourage POGO workers to file as early as possible to avoid complications,” saad sa pahayag ni Viado.
Matatandaan na noong Hulyo ay inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang ban sa lahat ng POGO dahil sa kaugnayan nito sa mga krimen, kabilang ang human trafficking, serious illegal detention, at money scams. RNT/JGC