MANILA, Philippines – Mahigit 115,000 pamilya ang nasa evacuation centers pa rin sa walong rehiyon sa Luzon at Visayas kasunod ng sunud-sunod na tropical cyclone na tumama sa bansa, sinabi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) nitong Martes, Nob. 19.
Ang mga rehiyong ito ay ang Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, Cordillera Administrative Region, at Eastern Visayas.
“Base sa pinakahuling ulat, mayroon pang mahigit 115,000 pamilya na pansamantalang naninirahan sa 3,267 evacuation centers,” ani DSWD spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao sa isang public hearing.
Namahagi ang DSWD ng mahigit 400,000 family food packs sa mga lugar na apektado ng tropical cyclones na Nika, Ofel, at Pepito.
Katumbas ito ng P125 milyong halaga ng humanitarian assistance, ani Dumlao.
Kabilang sa mga lugar na pinakamalubhang tinamaan ay ang Catanduanes, kung saan unang nag-landfall ang Super Typhoon Pepito nitong weekend.
Sinabi ni Dumlao na 45,000 family food packs ang inihahatid, bukod pa sa dating 10,000 family packs na nauna sa Pepito. RNT