MANILA, Philippines – Sinabi ng Armed Forces of the Philippines nitong Martes, Agosto 5 na mahigit 12,000 barko ng China ang pumasok sa exclusive economic zone ng bansa noong Hulyo.
Sa panayam ng DZBB, sinabi ni AFP spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad na matagumpay namang naitaboy ng Philippine Coast Guard ang mga barkong ito ngunit bumabalik pa rin.
“For the month of July 2025, may more than 12,000 na-monitor na iba’t ibang klaseng barko within our archipelago na dumaan sa atin… Ito naman, napuntahan naman ng Coast Guard. Pumasok within our EEZ, umalis, pumasok, and then tuluyang umalis at inalis ng Philippine Coast Guard. Pabalik-balik siya,” ani Trinidad.
Nauna nang sinabi ng PCG na nakakaalarma ang namonitor na “significant increase” sa bilang ng mga barko sa lugar.
Mahirap namang matukoy ang dahilan kung bakit nasa EEZ ng bansa ang mga barko.
“Hindi nating masabi kung tinetyempuhan tayo, or kung dumadaan lang sila, or may kinoconduct na illegal na research. Ang importante, nagmamasid tayo at pag may na detect tayo ay nakapag-responde tayo sa kanila,” pagsisiguro naan ni Trinidad. RNT/JGC