Home LIFESTYLE HEALTH Higit 155K kaso ng dengue naitala sa bansa – DOH

Higit 155K kaso ng dengue naitala sa bansa – DOH

1
0

MANILA, Philippines – Nakapagtala ang Pilipinas ng 155,918 kaso ng dengue mula Enero 4 hanggang Setyembre 16, na 33 porsyentong mas mababa kumpara sa 231,850 kaso sa kaparehong panahon noong 2025, ayon sa pinakahuling ulat ng Department of Health (DOH).

Bagama’t mas mababa ang kabuuang bilang kumpara noong nakaraang taon, nagbabala ang ahensya ng pagtaas ng kaso sa nakalipas na tatlo hanggang apat na linggo.

“An increasing trend has been observed in the recent three to four weeks with 19,792 cases, 14 percent higher than the reported 17,342 in the previous five to six weeks,” ayon sa DOH.

Ayon sa DOH, pinakamaraming kaso ang naitala sa Region III (Central Luzon), Region IV-A (Calabarzon), at National Capital Region (NCR).

Naitala rin na ang median age ng mga pasyenteng may dengue ay 13 taong gulang, habang ang mga batang pumapasok sa paaralan ang pinaka-apektado.

Hinikayat ng ahensya ang mga paaralan na palakasin ang mga hakbang pang-iwas at paigtingin ang pagkontrol sa pagdami ng lamok na may dalang dengue.

“Pinaaalalahanan ng DOH ang publiko na huwag maging kampante at ipagpatuloy ang pagsasagawa ng ‘4Ts – Taob, Taktak, Tuyo, Takip’,” anito.

Tumutukoy ito sa pagtataob ng mga lalagyang maaaring maipunan ng tubig, pagtataktak ng mga bagay na maaaring pamugaran ng tubig, pagpapanatiling tuyo ng mga lugar at lalagyan, at pagtatakip sa mga imbakan ng tubig upang maiwasan ang pamumugaran ng lamok.

Hinimok din ng DOH ang mga magulang na dalhin agad sa pinakamalapit na health facility ang kanilang mga anak kung makaranas ng sintomas tulad ng mataas na lagnat, sakit ng ulo, pananakit ng katawan, pagduduwal o pagsusuka, at pantal. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here