MANILA, Philippines – Mahigit sa 15,000 na ang inilikas ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa pananalasa ng bagyong Kristine sa bansa.
Sinabi ni PCG spokesperson Commodore Algier Ricafrente na karamihan sa rescue operations ay nakatuon sa Bicol region at Batangas.
Ayon sa opisyal, mahigit 200 tauhan ang kanilang dineploy kasama na ang augmentation mula sa Coast Guard District Batangas.
Samantala, iniulat din ng PCG na tatlong bangkay ang na-retrieve kung saan mga natrap sa kanilang bahay sa Albay sa gitna ng matinding pagtaas ng tubig baha.
Dalawa sa bangkay ang narekober sa Sitio Libas, Barangay Maguiron sa Guinobatan habang ang isa pang bangkay ay sa Zone 5, Libon.
Sa kabuuan, umabot na sa 20 ang iniulat na nasawi sa Bicol region dahil sa bagyong Kristine base sa datos mula sa Police Regional Office 5 ngayong Huwebes. Jocelyn Tabangcura-Domenden