UNITED STATES – Nag-isyu ng babala ang Philippine Embassy sa Washington, DC para sa mga Filipino na naninirahan sa Florida, partikular na sa Tampa, sa inaasahang landfall ng malakas na Hurricane Milton.
Ayon sa Philippine Embassy, prayoridad nila ang kaligtasan ng mga Filipino at mahigpit nilang tinututukan ang sitwasyon ng mga ito sa lugar sa pamamagitan ng Philippine Honorary Consulate sa Florida.
Inabisuhan ang mga Filipino na naninirahan na inaasahang maaapektuhan ng Hurricane Milton na maghanda, manood ng mga balita, at sumunod sa mga protocol ng awtoridad.
Ipinatutupad na sa ngayon ang mandatory evacuation sa mga lugar na masasapul ng Hurricane Milton, na siyang pinakamalakas na hurricane na magla-landfall sa Florida.
Sa ulat ng National Hurricane Center, ang Hurricane Milton ay may lakas ng hangin na aabot sa 291 kilometro kada oras at inaasahang magdudulot ng storm surge na hanggang 12 feet sa west coast ng Florida.
Sa Hurricane Advisory Number 11 na inilabas alas-4 ng hapon nitong Lunes ng Central Pacific Hurricane Center, inaasahang lalaki pa ang Hurricane Milton habang papalapit sa Florida.
“Milton is expected to grow in size and remain an extremely dangerous hurricane when it approaches the west coast of Florida on Wednesday.”
“This is an extremely life-threatening situation, and residents in those areas should follow advice given by local officials and evacuate immediately if told to do so.”
Ayon sa Philippine Embassy, mayroong mahigit 178,000 Filipino nationals ang naninirahan sa Florida. RNT/JGC