Home NATIONWIDE Higit 1K arestado sa gun ban sa BSKE period

Higit 1K arestado sa gun ban sa BSKE period

MANILA, Philippines – Lampas 1,000 katao ang naaresto dahil sa paglabag sa gun ban sa pagsisimula ng election period para sa 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) noong Agosto 28.

Sa ulat ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Benjamin Acorda Jr. nitong Lunes, Oktubre 2, ang mga naaresto ay tumaas sa 1,063 noong Setyembre 28 mula sa 682 na naitala noong Setyembre 17.

“As of 11 p.m. of September 28, we have arrested a total of 1,063, confiscated firearms 654,” pagbabahagi ni Acorda sa isang press conference sa Camp Crame, Quezon City.

Idinagdag pa niya na umabot sa 1,288 licensed guns ang naideposito para sa safekeeping, habang ang iba ay kusang nagsuko ng kanilang mga unlicensed firearms o may expired na lisensya na aabot sa 1,156.

Nauna nang nagbabala ang PNP na aarestuhin nito ang mga indibidwal na lalabag sa probisyon ng Omnibus Election Code, na nagbabawal sa pagdadala, pagbitbit o pagbyahe ng armas at deadly weapons sa labas ng tirahan, trabaho at pampublikong lugar.

Ang ban ay iiral hanggang Nobyembre 29.

Maliban sa patuloy na implementasyon ng gun ban ng Commission on Elections (Comelec), sinabi pa ni Acorda na ang mga lugar na plano nilang ilagay sa red category ay nananatili sa 246 hanggang nitong Setyembre 20. RNT/JGC