MANILA, Philippines – Bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-28 anibersaryo ng pagiging lungsod ng Las Piñas, naghandog ang The Aivee Group, sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan, ng libreng at dekalidad na serbisyong medikal para sa mahigit 1,000 residente mula sa District 1 at District 2.
Isinagawa ito sa Aguilar Sports Complex, Barangay Pilar noong Huwebes, Marso 27.
Pinangunahan nina Dr. Aivee Aguilar at Dr. Z Teo, ang Aivee Beyond Borders medical mission ay isang pagkilala sa legasiya ni dating Mayor Vergel “Nene” Aguilar, na nagbigay-prayoridad sa pagtulong at pangangalaga sa kapakanan ng mahihirap na mamamayan.
“Ito po ay extra special sa akin dahil ito ay aking tribute sa legasiya ng aking ama, Mayor Vergel ‘Nene’ Aguilar. Siya ang nagtulak sa akin na maging doktor. Bata pa lamang ako, nasaksihan ko na ang kanyang dedikasyon sa pagseserbisyo sa mga nangangailangan, lalo na sa larangan ng kalusugan, kaya niya itinatag ang Green Card Program na patuloy na nakakatulong hanggang ngayon,” ani Dr. Aivee Aguilar.
Binigyang-diin niya ang dedikasyon ng kanyang yumaong ama sa pagpapabuti ng buhay ng mga Las Piñero at ang pagpapatuloy ng kanyang ina at ate—Mayor Imelda “Mel” Aguilar at Vice Mayor April Aguilar—sa pagsulong ng isang mas maunlad at maayos na lungsod.
“Ako po ay isang volunteer ng Green Card Program, kasama sa mga doktor na nagbibigay ng libreng gamot at serbisyo sa mga nangangailangan. Kaya ko itinayo ang Aivee Beyond Borders dahil sa inspirasyong ibinigay ng aking mga magulang na tinuruan kaming maging matulungin at magbigay ng serbisyo sa kapwa,” dagdag ni Dr. Aivee.
Kabilang sa mga serbisyong natanggap ng mga residente ay libreng konsultasyon, gamutan, at minor operations sa balat.
Personal na sinubaybayan nina Mayor Mel Aguilar, Vice Mayor April Aguilar, at Konsehal Mark Anthony Santos ang programa, kasama ang buong Team Aguilar. Nakiisa rin ang mga konsehal ng District 1—Alelee Aguilar, Atty. Zardi Abellera, Brian Bayog, Robert Cristobal, Marlon Rosales, at Macmac Santos—at ng District 2—Engr. Henry Medina, Luigi Casimiro, Lester Aranda, Tito Martinez, Macky Saito, at Euan Toralballa—upang tiyakin ang maayos at organisadong pagbibigay ng serbisyong pangkalusugan.
Lalong naging masaya ang programa sa pagbisita at pagtatanghal ng celebrity guests na sina Maja Salvador kasama ang G-Force, at Moira, bilang pagpapakita ng suporta sa inisyatibang ito.
Ang patuloy na kolaborasyon sa pagitan ng The Aivee Group at ng Pamahalaang Lungsod ng Las Piñas ay sumasalamin sa pangakong “Tuloy ang Tapat at Progresibong Serbisyo” para sa lahat ng residente. RNT