MANILA, Philippines – PERSONAL na nagtungo si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso, Vice Mayor Chi Atienza at Manila Department of Social Welfare (MDSW) Chief Jay Reyes Dela Fuente sa naganap na malaking sunog sa Happy Land, Barangay 105 sa Tondo, Maynila upang agad na umasiste at matulungan ang mga pamilyang naapektuhan ng nasabing sunog, Miyerkules ng umaga.
Batay sa inisyal na ulat ng Bureau of Fire Protection, umabot sa tinatayang 1,500 o humigit kumulang 4,500 indibidwal ang naapektuhan ng sunog na nagsimula dakong alas-9:45 ng umaga at idineklarang fire under control dakong alas-12:34 ng tanghali.
Nabatid sa MDSW na dinala ang mga biktima ng sunog at pansamantalang manunuluyan sa Barangay 105 at 104 Covered court gayundin sa Vicente Lim Elementary School.
Agad nagsimula ng profiling at interview ang MDSW sa mga apektadong pamilya bilang bahagi ng assessment at pagbibigay ng kaukulang tulong.
Naghandog naman ng mainit na pagkain ang MDSW sa pangunguna ni Dela Fuente, sa mga biktima ng sunog pagdating nila sa kani-kanilang evacuation center kung saan naghain sila ng kanin, chicken adobo, at mineral water upang matiyak na may sapat silang nutrisyon sa gitna ng kanilang pinagdaraanan.
Nabatid sa MDSW na hangga’t nasa evacuation center ang mga naapektuhan ng sunog ay sasagutin ang kanilang pagkain mula almusal, pananghalian at hapunan ng mainit na pagkain bukod pa na na inaasahang makatatanggap sila ng mga Kits, food box, at pinansiyal na tulong upang kahit paano ay makapagsimula muli na maipatayo ang nasunog nilang tinitirhan. JAY Reyes