MANILA, Philippines – Mahigit 1,000 special permit na ang inilabas sa ilang public utility vehicles (PUVs) para sa inaasahang dagsa ng mga pasahero sa Undas, ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
“Marami na po. In fact, nasa around 1,200 to 1,300 there about po na na-issue na special permits, units na po ‘yun,” sinabi ni LTFRB acting chairperson Greg Pua, Jr. sa panayam sa radyo.
Ayon sa LTFRB, ang mga special permit na ito ay inisyu sa mga bus, mini bus at pampasaherong van.
“May mga bus, mini bus, may mga van din po,” ani Pua.
“I heard po yung mga samahan ng mga provincial buses, inup na po nila yung kanilang mga advanced bookings at online bookings, so malalaman na po nila kung kulang pa po yung kanilang mga buses. We expect pa po until next week, siguro, marami pang applications na masa-submit,” dagdag pa niya.
Samantala, maglalagay naman ang ahensya ng mga help desk sa mga istasyon ng bus para sa mas marami pang aplikasyon ng special permit.
“Nandoon po kami sa mga terminal para kung sakaling mayroon po yung mga kulang pa, makapag-issue kami agad,” sinabi ni Pua. RNT/JGC