MANILA, Philippines – Maituturing na ‘national security concern’ ang kompanyang iniuugnay sa asawa ni Vice President Sara Duterte na si Atty. Manases Carpio dahil sa posibleng national security implications, ayon kay House prosecution spokesperson Rep. Zia Alonto Adiong nitong Linggo, Oktubre 18.
“This goes beyond non-disclosure or unexplained assets in her SALN. It goes to the very core of national security concerns,” sinabi ni Adiong sa panayam ng DZBB.
Ang pahayag niya ay matapos kumpirmahin ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na ang kompanyang iniuugnay kay Duterte at Carpio ay nakatanggap ng P319 milyon mula sa China at Hong Kong.
Sa table na ipinresenta ng AMLC, makikita na ang P315.93 milyon ay nagmula sa mainland China, habang ang P3.39 milyon ay nagmula sa Hong Kong Special Administrative Region.
Kinwestyon naman ni Duterte ang mga alegasyon at tinanong kung ipinagbabawal ba ang pakikipagnegosyo sa China.
“So ano ba talaga? Bawal ba talaga ang negosyo with China kasi it is a national security risk? Parang nakakahiya na nga yung drug haul na papuntang Pilipinas galing Laos and Thailand, tapos eto pa tayo na nagsasabing, ‘Naku, it’s a national security risk na magnegosyo with China.’ Nagiging troublemaker of Southeast Asia tayo,” sinabi ni Duterte.
Ayon kay Adiong, dapat imbestigahan ng mga awtoridad ang posibleng money laundering activities sangkot ang mga pera mula China.
“Ito ba ang rason kung bakit ang Bise Presidente ay sinasabi niyang troublemaker ang Pilipinas despite the fact na ang China ay continuous ang mga aggressive na mga activity diyan sa West Philippine Sea? Hindi man lang siya makapagsabi ng kanyang posisyon, na makapag-call out these illegal activities committed by China,” ani Adiong.
“Ito ba ang rason kung bakit nasasabi niya ’yun? Kasi may mga kumpanya niya, as declared sa kanyang SALN, na tumatanggap ng remittances galing sa China,” dagdag pa niya. RNT/JGC