Home NATIONWIDE Higit 1M passenger departures noong Hunyo naitala ng BI

Higit 1M passenger departures noong Hunyo naitala ng BI

MANILA, Philippines- Inihayag ng Bureau of Immigration (BI) ang pagtaas ng international travel sa buwan ng Hunyo at inaasahan pa nila na hihigit pa ito ngayong buwan ng Hulyo bunsod na din ng pagtatapos ng mga klase ng mga mag-aaral.

“Revenge travel is real and is still very much evident. After the pandemic, a lot of people are itching to travel,” ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco.

“After the end of classes, a lot of families saw the opportunity to take their vacations,” dagdag pa ng opisyal.

Napansin ng BI ang pagtaas ng mga international departure noong Hunyo kumpara sa buwan ng Abril at Mayo.

Ayon sa BI, noong Abril ay may kabuuang 946,092 ang umalis sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminals, habang noong Mayo, mayroong 979,720 na umalis.

Sinabi ng BI na nakapagtala sila ng 1,072,651 para sa buwan ng Hunyo, at inaasahang tataas o mananatiling mataas ang bilang sa Hulyo.

“In April, we only saw an average of around 32,000 passengers a day, but in June that number rose to around 36,000,” pag-uulat ni Tansingco.

Pinayuhan ni Tansingco ang mga internasyonal na manlalakbay na dumating nang maaga at magcheck-in nang hindi bababa sa tatlong oras bago ang kanilang mga flight upang magbigay ng sapat na oras para sa mga pamamaraan sa paliparan.

“We are assuring that all our counters are fully manned, and our officers are working doubly hard to process everyone in a timely manner,” ani Tansingco.

Nagpapasalamat naman si Tansingco sa pamunuan ng paliparan na nangako na palawakin ang immigration area at magdagdag ng mga counter para sa BI upang makapagserbisyo ng mas maraming manlalakbay.

Ibinahagi rin ni Tansingco na 35 bagong opisyal ng imigrasyon ang nagtapos kamakailan sa kanilang pagsasanay sa ilalim ng Philippine immigration academy, at nakatakdang i-deploy sa mga frontline office ng BI. JAY Reyes