Home NATIONWIDE Bagong istratehiya para sa resupply mission sa WPS inilatag ng AFP

Bagong istratehiya para sa resupply mission sa WPS inilatag ng AFP

MANILA, Philippines- Inilatag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang bagong istratehiya para sa resupply mission nito sa BRP Sierra Madre (LS-57) sa Ayungin (Second Thomas) Shoal sa West Philippine Sea (WPS) upang hindi na maulit ang marahas na June 17 operation.

Iprinisenta ni AFP Chief of Staff na si General Romeo Brawner Jr. ang bagong plano sa mid-year command conference sa Camp Aguinaldo sa Quezon City noong Hulyo 4.

“Because of the modern geopolitical conflict that we are facing right now, we need to adjust to the contemporary times. Expect that in the coming operations that we have, there will be changes in how we do things and our operational mix will be different,” pahayag ni AFP spokesperson Col. Francel Margareth Padilla sa isang panayam nitong Linggo.

Hindi idinetalye ni Padilla ang adjustment na gagawin ng AFP maging petsa ng susunod na resupply mission upang hindi ito mapurnada.

Subalit, matatandaang sinabi ni Brawner na inatasan niya ang mga sundalo “to respond appropriately” sakaling muli silang makaranas ng harassment mula sa China Coast Guard (CCG).

Magugunitang sa huling resupply mission noong Hunyo 17, naputulan ng daliri ang isang Philippine Navy (PN) trooper sa “intentional high-speed ramming” ng CCG. 

Inakusahan din ang pwersang Chinese ng pagnanakaw at pagwasak sa AFP boats at equipment gamit ang matatalim na armas, subalit nanindigan ang CCG na “professional and restrained” ang kanilang mga naging aksyon. RNT/SA