Home METRO Higit 2K tonelada ng basura nahakot sa loob ng isang araw sa...

Higit 2K tonelada ng basura nahakot sa loob ng isang araw sa Maynila

MANILA, Philippines – Bilang bahagi ng “Walang Tulugan” na gobyerno Manila Mayor Isko Moreno Domagoso, nagsagawa ng malawakang paglilinis sa area ng Divisoria at Blumentritt, Martes ng umaga, Hulyo 1, 2025.

Madaling araw pa lamang ay nagsagawa na agad ng paglilinis at flushing sa kahabaan ng Divisoria sa pangunguna ng mga pinagsanib na pwersa ng Department of Public Service (DPS), Manila Department Risk Reduction Management Office (MDRRMO), Hawker Office, Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB), at City Engineerings Office.

Tiiniyak naman ni Domagoso na tuloy-tuloy ang isasagawa nilang paglilinis, hindi lamang sa Divisoria, kundi sa buong Maynila kahalintulad na din sa ginawa nilang paglilinis noong unang pag-upo nitong Alkalde ng lungsod noong taon 2019.

Bukod sa Divisoria, nagsagawa din ng paglilinis sa buong area ng Blumentritt na pinangunahan ni Manila Police District (MPD) Police Community Precinct Commander Capt. Ferdie Cayabyab.

Ayon kay Capt. Cayabyab, unang araw pa lamang ng kanyang pagbabalik bilang gepe ng PCP Blumentritt ay agad silang nagsagawa ng paglilinis partikular na ang mga nagsisilbing obstruction.

Kaugnay nito, nabatid sa Chief of Staff ni Domagoso na si Chief Cesar Chavez na nasa higit 2,000 metriko tonelada na ang nahakot na basura ng pinagsanib na pwersa ng DPS, Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at ng Leonel waste management sa loob lamang ng halos 10 oras na paghahakot ng mga basura sa lungsod ng Maynila sa pagkaupong pagkaupo pa lamang ni Yorme Isko bilang Mayor.

“Ibig sabihin 1 araw ng estimated volume ang nakuha. Kaya madami pang trabaho pero tuloy tuloy Iang po ang hakot hanggang maging normal ang sitwasyon ang pangungulekta ng basura,” saad ni DPS Chief Kenneth Amurao.

Nabatid pa kay Amurao na nasa halos 300 truckloads ng basura, malalaking dump trucks; large,medium at small compactors ang pabalikbalik na naghakot ng basura kahapon 2:00 pm hanggang 12 midnight.

Sa kabila ng mabigat ng trapik at mahabang pila sa tapunan at pag-ulan kahapon ay tuloy tuloy pa din ang ginawang paghahakot ng basura, ayon kay Amurao. JAY Reyes