RIZAL, Philippines — Mahigit 20,000 kilo ng tilapia at bighead carp ang namatay sa panibagong fish kill sa Laguna de Bay, na nakaapekto sa mahigit 30 fish cages na sumasaklaw sa higit 7 ektarya.
Ayon sa grupong Pamalakaya, tinatayang P700,000 ang unang halaga ng pinsala. Hinala naman ng mga mangingisda at operator ng fish cages na maaaring may chemical waste o wastewater na nakadagdag sa biglaang pagkamatay ng mga isda.
Sinabi ni Pamalakaya vice chairperson Ronnel Arambulo na napansin muna ng mga mangingisda na naging kalawangin ang kulay ng tubig bago nagsimulang mamatay ang mga isda.
“Operators and fishers themselves said that the fish kill was unusual. Similar incidents have occurred in previous years, but what happened recently was more rapid and widespread,” ani Arambulo.
“The affected fishers could not point to any other possible cause except the change in the color of the lake’s water that they had observed,” dagdag niya.
Ayon sa Pamalakaya, ito na ang ikalawang fish kill sa Laguna de Bay ngayong taon. Noong Hulyo, nagkaroon din ng fish kill sa Binangonan, Rizal, kasunod umano ng paglabas ng wastewater ng isang water concessionaire.
Sa unang imbestigasyon noon, sinabi ng Laguna Lake Development Authority (LLDA) na hindi pa matukoy ang eksaktong dahilan. May malawak na algal bloom sa lawa at karamihan sa mga namatay na isda ay mula sa commercial fish pens at cages.
Ilang araw bago ang pinakahuling insidente, nagbabala rin ang LLDA sa patuloy na panganib ng algal bloom at fish kill. Ayon sa ahensya, maaaring magdulot ng pagdami ng algae ang pagbabago ng panahon at kondisyon ng tubig. Kapag namatay at nabulok ang algae, maaaring bumaba ang oxygen sa tubig at ma-stress o mamatay ang mga isda.
Hinimok ng LLDA ang publiko at mga lokal na opisyal na ireport ang kakaibang pagbabago ng kulay ng tubig, matinding pagbubula at mabahong amoy na maaaring senyales ng kontaminasyon.
Nanawagan naman ang Pamalakaya sa LLDA na imbestigahan ang insidente, tukuyin kung may mga kumpanyang naglabas ng wastewater sa lawa at panagutin ang responsable.
“Some companies must have discharged wastewater into the lake that caused the fish kill,” ani Arambulo.
“We call on the concerned government agencies, especially the Laguna Lake Development Authority, to look into this matter, hold accountable the companies responsible, and compensate the affected fisherfolk and fish cage operators,” dagdag niya. RNT/MDS