Home HOME BANNER STORY Sariling law enforcement arm ng Ombudsman, ikinakasa sa Senado

Sariling law enforcement arm ng Ombudsman, ikinakasa sa Senado

1
0

MANILA, Philippines — Posibleng magkaroon ng sariling law enforcement arm ang Office of the Ombudsman na maaaring magsagawa ng pag-aresto, paghahanap at pagsamsam ng mga ebidensya, sa ilalim ng panukalang batas sa Senado.

Ayon kay Senador Panfilo Lacson, layunin ng Senate Bill 2394 o Ombudsman Marshall Service Act na mabawasan ang pagdepende ng Ombudsman sa PNP at NBI sa pagpapatupad ng mga law enforcement function.

“The Ombudsman needs its own law enforcement arm. It currently relies on help from the PNP and NBI,” ani Lacson.

Inihain niya ang panukala matapos makita ang mga hamon sa imbestigasyon ng Ombudsman sa mga kaso ng katiwalian, kabilang ang mga proyekto sa flood control, reclamation at iba pang imprastraktura.

“The bill I filed gives the Ombudsman its own law enforcement arm focusing on graft and corruption cases under the mandate of the Ombudsman, to show my support for their work. With the law enforcement arm, it can apply for search warrants and serve arrest warrants to make its job easier,” ani Lacson.

Sa panukala, babaguhin ang Republic Act 6770 o Ombudsman Act of 1989 upang likhain ang Ombudsman Marshall Service, na magsasagawa ng inspeksyon, pagtatanong at imbestigasyon para makakalap ng ebidensya at makabuo ng mga kaso.

Ang mga Ombudsman Marshals ay maaaring manghuli, mag-detain, magsagawa ng legal na search and seizure at iba pang imbestigasyon. Maaari rin nilang ipatupad ang mga utos at warrant ng Ombudsman, Sandiganbayan at iba pang anti-corruption courts at ahensya.

Pinapayagan din silang magdala ng angkop na baril habang ginagampanan ang kanilang tungkulin, kabilang ang proteksyon sa mga testigo at taong nasa kanilang kustodiya, nang hindi na kailangan ng permit mula sa ibang ahensya ng gobyerno.

Inaatasan din ng panukala ang pagkakaroon ng sapat na pasilidad para sa mga detainee, whistleblower at testigong nasa kustodiya ng serbisyo.

Pangungunahan ang iminungkahing serbisyo ng isang Special Investigator na magkakaroon ng ranggo, suweldo, benepisyo at retirement privileges na katumbas ng isang Deputy Ombudsman.

Nakipag-ugnayan na si Lacson kay Senate Committee on Justice and Human Rights Chairperson Sen. Francis Pangilinan upang unahin ang pagdinig at sponsorship sa panukala. Nakipag-usap din siya kay House Justice Committee Chairperson Rep. Gerville Luistro, na humahawak sa counterpart measure sa Kamara.

Nauna nang itinuring ni Lacson na mahalagang rekomendasyon ng Senate Blue Ribbon Committee ang pagpapalakas sa Ombudsman, kasunod ng imbestigasyon sa mga maanomalyang flood control projects. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here