Home NATIONWIDE Higit 20,000 magsasaka, mangingisda sinalanta ng mga bagyo

Higit 20,000 magsasaka, mangingisda sinalanta ng mga bagyo

338
0

MANILA, Philippines – Umabot na sa 20,959 magsasaka at mangingisda ang naapektuhan ng mga bagyong Emong, Dante, Crising at pinalakas na habagat, ayon sa ulat ng Disaster Risk Reduction and Management Operations Center ng Department of Agriculture (DA).

Kabilang sa mga apektadong rehiyon ang Cordillera, Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol, Western Visayas, Northern Mindanao, at Soccsksargen.

Tinatayang ₱454.12 milyon na ang pinsala sa agrikultura katumbas ng 13,376 metric tons (MT) ng pananim, mula sa ₱323.15 milyon na naitala isang araw bago.

Pinakamalaking pinsala ay sa sektor ng palay na umabot sa ₱275.03 milyon o 8,256 MT mula sa 18,490 ektarya ng sakahan. Sumunod ang high-value crops na may ₱117.17 milyon na pinsala, mais ₱38.90 milyon, pangingisda ₱9.20 milyon na nakaapekto sa 543 mangingisda, livestock at poultry ₱6.19 milyon, imprastruktura at irigasyon ₱6.7 milyon, at cassava ₱920,740.

Ayon kay DA spokesperson Asec. Arnel De Mesa, nananatili pa rin sa normal na average ang volume loss sa palay kumpara sa 500,000–600,000 MT taunang record tuwing may kalamidad.

Naka-preposition na ang mahigit ₱1.2 bilyong ayuda para sa mga apektadong magsasaka at mangingisda: ₱596.52 milyon para sa agricultural inputs, ₱400 milyon para sa Survival and Recovery (SURE) loan na hanggang ₱25,000 bawat benepisyaryo, at ₱268 milyon para sa crop insurance ng 45,980 insured farmers na sisimulang ipamahagi sa susunod na linggo. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here