Home NATIONWIDE Higit 21K public buildings sinuri ng DPWH

Higit 21K public buildings sinuri ng DPWH

MANILA, Philippines- Sinuri ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mahigit 21,000 pampublikong gusali bilang paghahanda sa “The Big One” –ang 7.2 magnitude na lindol o mas malakas pa — na maaring tumama sa bansa.

Sa press briefing noong Miyerkules, sinabi ni DPWH Undersecretary Catalina Cabral na marami sa mga gusali ang kailangan ng retrofitting.

Ayon kay Cabral, ang retrofitting ay ang pamamaraan na iakyat ang standard ng mga gusali sa international earthquake standards.

Nauna nang sinabi ng Office of Civil Defense (OCD) na dapat maabot ng Pilipinas ang paghahanda nito para makaligtas sa magnitude 7.2 o mas malakas na lindol na katulad ng pagyanig sa Myanmar at Thailand noong nakaraang linggo at ikinasawi ng libo-libong tao.

Ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ay nagbabala na ang “The Big One” at ang mga magreresultang sunog ay maaring magdulot ng higit sa 100,000 sugatan sa Metro Manila at mga kalapit-lugar.

Bagama’t imposibleng mahulaan ang mga lindol, batay sa mga makasaysayang talaan, ang West Valley Fault sa kahabaan ng silangang bahagi ng Metro Manila ay napipinto para sa isang malaking lindol sa loob ng henerasyong ito o sa susunod na henerasyon.

Ang Pilipinas ay mayroong anim na aktibong trenches na dahilan ng madalas na paglindol sa Abra, Bohol at Davao region. Jocelyn Tabangcura-Domenden