Home NATIONWIDE Higit 2M int’l visitors bumisita sa Pinas – DOT

Higit 2M int’l visitors bumisita sa Pinas – DOT

MANILA, Philippines- Mahigit dalawang milyong international visitors ang bumisita na sa bansa ngayong taon, kung saan nangunguna pa rin ang South Korea bilang top source market ng bansa para sa inbound visitor arrivals, base sa Department of Tourism (DOT) nitong Huwebes.

Sinabi ng tourism department na hanggang nitong April 24, bumisita sa Pilipinas ang kabuuang 2,010,522 international visitors. Sa bilang na ito, 94.21 porsyento o 1,894,076 indibidwal ang mga dayuhang turista, habang 5.79 porsyento, o 116,446, ang overseas Filipinos.

“This is 15.11 percent higher than the international arrivals recorded in the same period last year pegged at 1,746,630,” anang ahensya.

Binanggit ng DOT na hawak pa rin ng South Korea ang posisyon nito bilang pangunahing source market ng Pilipinas para sa inbound visitor arrivals, na katumbas ng 27.19 porsyento o 546,726 bisita. Sinundan ito ng United States sa 315,816 arrivals (15.71 porsyento), China sa 130,574 (6.49 porsyento), Japan sa 123,204 (6.13 porsyento), at Australia sa 88,048 (4.38 porsyento).

Sinundan naman ang mga bansang ito ng Canada, Taiwan, United Kingdom, Singapore, at Germany.

Ayon kay DOT Secretary Christina G. Frasco, nakikita nila ang “positive trajectory” para sa international tourist arrivals ng bansa ngayong taon.

“We are glad that the collaboration and collective effort and hard work are materializing into figures that are beneficial for the entire industry,” anang opisyal.

Base sa DOT, target ng bansa ngayong taon ang 7.7 milyong international visitors, na malapit na sa pre-pandemic record na itinakda noong 2019, kung saan nakapagtala ng tinatayang 8.26 milyong inbound visitor arrivals. RNT/SA