Home NATIONWIDE Petisyong paglipat sa kaso ni Quiboloy sa NCR nakabinbin pa

Petisyong paglipat sa kaso ni Quiboloy sa NCR nakabinbin pa

MANILA, Philippines- Wala pang opisyal na aksyon ang Korte Suprema sa kahilingan ng Department of Justice na mailipat sa Pasig RTC mula Davao City ang kaso ni Kingdom of Jesus Christ Apollo Quiboloy.

Nilinaw ni Supreme Court (SC) Spokesperson Camille Sue Mae Ting na inaprubahan na ng Office of the Court Administrator (OCA) ang petisyon ng DOJ na ilipat ang venue ng kaso ni Quiboloy na sexual abuse of minor. Gayunman, hindi pa nakararating sa tangapan ng Chief Justice ang rekomendasyon ng OCA sa usapin.

Ipinaliwanag ni Ting na bahagi ng proseso ang pormal na pag-apruba ng Supreme Court sa rekomendasyon ng OCA.

Kailangan aniya na hintayin muna ang magiging desisyon ng SC sa kahilingan ng DOJ na mailipat sa Metro Manila ang pagdinig sa kaso ni Quiboloy.

Ang naturang spiritual leader at iba pa nitong kasamahan ay nahaharap sa paglabag sa probisyon ng Anti-Child Abuse Law hinggil sa sexual abuse of minors and maltreatment.

Bukod dito, sinampahan din si Quiboloy ng kasong qualified human trafficking sa Pasig RTC.

Minarapat ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na ilipat sa Metro Manila ang pagdinig upang matutukan ng prosekusyon ang mga kaso ni Quiboloy. Teresa Tavares