KAZAKHSTAN – Bumagsak ang isang Embraer EMBR3.SA passenger plane mula Azerbaijan patungong Russia, malapit sa lungsod ng Aktau sa Kazakhstan nitong Miyerkules, Disyembre 25.
Lulan nito ang 62 pasahero at limang crew.
Ayon sa Kazakh authorities, nasa 28 katao ang nakaligtas sa naturang plane crash.
Sa unverified video ng aktwal na pag-crash ng eroplano, makikita ang pagsabog at pagkalat ng maitim na usok nang sumadsad sa lupa ang naturang eroplano na pagmamay-ari ng Azerbaijan Airlines.
Sinabi ng emergency ministry ng Kazakhstan na inapula ng mga awtoridad ang sunog kasabay ng pagrekober sa mga bangkay.
Dinala naman sa ospital ang ilang survivor kabilang ang dalawang bata.
Anang Azerbaijan Airlines, lumilipad mula Baku patungong Grozny, capital ng Chechnya region, ang Embraer 190 jet na may flight number J2-8243 na napilitang mag-emergency landing tatlong kilometro mula sa Aktau, Kazakhstan.
Naglunsad na ng komisyon ang Kazakhstan para imbestigahan ang pangyayari at ipinag-utos sa mga miyembrong lumipad patungo sa pinangyarihan para masigurong matutulungan ang mga biktima at pamilya nito.
Makikipagtulungan ang Kazakhstan sa Azerbaijan sa pag-iimbestiga sa pangyayari.
Sa preliminary information ng isang Russian aviation watchdog, nagdesisyon ang piloto na mag-emergency landing matapos tamaan ng ibon ang kanilang eroplano. RNT/JGC