Home NATIONWIDE Higit 300 armas kumpiskado sa nagpapatuloy na election gun ban

Higit 300 armas kumpiskado sa nagpapatuloy na election gun ban

MANILA, Philippines – Iniulat ng Philippine National Police (PNP) nitong Lunes, Enero 27 na nasa 383 armas ang nakumpiska sa nagpapatuloy na election gun ban.

Kasabay nito ay naaresto rin sa paglabag ang ilang indibidwal kabilang ang mga unipormadong tauhan at opisyal ng pamahalaan.

“Karamihan po diyan ay nakuha natin sa ating police operation, mayroon din po tayong nakuha sa checkpoint at other law enforcement operation po. Karamihan po diyan, ang pinakamaraming seizure po ay nasa NCRPO, nasa 108; sumunod ang Region 3 na nasa 85; at sumunod po ang Region 7, at Region 6 naman po ang pang-apat,” pahayag ni PNP spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo sa isang press briefing.

Dagdag pa ng PNP, karamihan sa mga nakumpiskang armas ay mga revolver.

Nakakuha rin ng pistola, shotgun, riffles, at pampasabog.

Kasabay nito, umabot naman sa 379 ang naarestong mga lumabag sa gun ban.

“Majority ng mga na-aresto po ay mga civilian, bagamat may mga nahuli rin po tayong miyembro ng uniformed service, meron din pong security guard, meron din po tayong mga appointed government officials,” ani Fajardo.

Ang election gun ban ay nagsimula kasabay ng election period noong Enero 12. RNT/JGC