
TAMANG paalala na lang siguro para sa private contractors na maging mapanuri sa mga taong nagpapanggap na konektado sa Malakanyang upang hindi mabiktima ng ’riding-in-tandem’ na ito.
Bagong pasabog ng administrasyon ang pagkatanggal kay Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co bilang House Appropriations Committee chairman.
Maugong na hindi natuwa si Pangulong Bongbong Marcos sa mga sumbong ng contractors sa Bicol tungkol sa kanilang sinapit para makakuha ng government-funded projects.
Syempre hindi natin batid ang tunay na nasa likod nito, pwedeng paninira lang at ubra rin na may katotohanan.
Pero mas maugong talaga ang riding-in-tandem na eto na nasa Palasyo na may mga initials na ‘L.M.’ at ‘S.L.’
Ating napag-alaman na halos maging ghost projects na lang ang nangyayari dahil lumalabas ay 40% advance sa bayad ang hinihingi ng mga ito para raw sa kanilang “boss” kapalit ng isang proyekto.
Ang masaklap, ngayong 2025 na-zero sa project listing ang ’riding-in-tandem’ kasi nga bistado na ang diskarte ng mga ito.
Kaya ang siste, nang-aagaw na lang ng ibang infrastructure projects lalo sa Mindanao at kakausapin ang local politicians sabay kunwaring tatawag sa kanilang boss sa Palasyo.
Tuloy, basang-basa na ang papel sa mga tao ng kanilang boss na kung tutuusin wala man lang siyang kinalaman.
Common Tower Program
Todo-suporta ang mga mambabatas sa panawagan at gustong mangyari mismo ni Pangulong Bongbong Marcos ang lalong mapalakas ang internet connections lalo sa malalayong lugar sa bansa.
Ayon kay Navotas City Rep. Toby Tiangco, dapat lang na mas lalong mag-focus ang Department of Information and Technology sa Common Tower Program nito na nakikitang magiging solusyon.
“The President’s orders are clear, the DICT needs to step up to maximize the benefits of the CTP and provide better connectivity to more Filipinos.”
“Everything starts with connectivity. Only by giving more Filipinos access to reliable internet can we unlock the full potential of our government’s digitization efforts,” dagdag pa niya.