Home OPINION ‘BOKYA’ SA ENDORSEMENT?

‘BOKYA’ SA ENDORSEMENT?

OPISYAL nang nagsimula ang ating ‘election period’ nitong Enero 12 hanggang Hunyo 11, kung saan balik ang ‘gun ban’– maliban sa mga kriminal at abusado sa kapangyarihan na palagi namang ‘exempted.’

Lalarga ang ‘campaign period para sa mga kandidato sa Senado at ‘Partylist’ sa Pebrero 11 hanggang Mayo 10, “bisperas” ng halalan, habang Marso 23 naman ang arangkada ng kampanya para sa mga ‘local positions.’

‘Politics is addition’ kaya patuloy ang “pangangalap” ng mga politiko at kandidato ng suporta sa kung sino-sino, kasama na sa hanay ng mga relihiyosong grupo.

May nagsasabi na isang maimpluwensiyang grupo ang “sobra” ang pagkadismaya sa mga nangyayari ngayon.

Sa kabila kasi ng kanilang panawagan na tigilan na ang pamumulitika, magkaisa ang lahat sa pagresolba sa mas kagyat at malalaki nating problema, wala naman umanong nangyari. Kumbaga, “dinedma” lang sila sa kanilang panawagan ng mga nasa kapangyarihan.

Kung sa palagay nila ay “binastos” lang sila at “inismol,” hindi natin alam, mga kabayan. Bagaman, kahit kanino ‘yan gawin, “napakasakit, Kuya Eddie!”

Ang alam natin, sa sobrang pagkadismaya na pinatindi pa ng inabot na “kahihiyan,” walang balak ngayong halalan ang nasabing Kapatiran na suportahan o bigyan ng endorso ang lahat ng mga kandidato na sa kanila (raw) “palagay” ay nasa likod ng patuloy na pagkakahati at paghihirap ng mga Pilipino.

‘Force to reckon with’ ang nasabing Kapatiran partikular sa resulta ng ‘local elections’ dahil ‘proven’ na ito ng kasaysayan. Kapag hindi ka “dinala,” siguradong “luhaan” ka!

Kung totoo nga, eh, alam nating maraming matutuwa dahil magkakaroon ng pagbabago sa maraming lokalidad sa ating bansa!

Abangan!