Home NATIONWIDE Economy passengers ‘di dapat magbayad ng travel tax – Tulfo

Economy passengers ‘di dapat magbayad ng travel tax – Tulfo

MANILA, Philippines – Sinabi ni Senador Raffy Tulfo nitong Lunes, Enero 27 na hindi na dapat magbayad ng travel tax ang mga pasahero ng eroplano na nasa economy class.

“Para sa akin, dapat yung sinisingil na travel tax papunta abroad, dapat yung sumasakay lang ng first class, business class. Yung nagsasakay ng economy, hindi na dapat singilin ng travel tax,” ani Tulfo, chair ng Senate Committee on Public Services.

Ipinaliwanag ni Robert Lim, Department of Transportation (DOTr) undersecretary for Aviation and Airports, na ang travel tax ay kinokolekta ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) sa ilalim ng Department of Tourism (DOT), at hindi ng DOTR.

“It’s the Department of Tourism ang nagpapatupad nyan. But in the past, madami na pong efforts to eliminate it at ipasa na lang sa GAA ang pangangailangan ng tourism or TIEZA,” anang opisyal.

“Because yan ang main source of funding ng TIEZA. Ang TIEZA naman ho, nakakatulong sa tourism and even in transport. Nakakapagtulong sila sa mga airport development so beneficiary din ho ang DOTr,” dagdag ni Lim.

Ayon sa TIEZA, ang travel tax ay isang bayad na ipinatutupad ng pamahalaan sa mga indibidwal na umaalis ng bansa na naaayon sa Presidential Decree (PD) 1183.

Sa ilalim ng Section 73 ng Republic Act No. 9593, 50 percent ng malilikom mula sa travel tax ay mapupunta sa TIEZA, at 40% ang mapupunta sa Commission on Higher Education (CHED) para sa tourism-related educational programs and courses, habang 10 ang mapupunta sa National Commission for Culture and Arts (NCCA).

Nais ni Tulfo na kunin na lamang ng TIEZA ang pondo nito mula sa national budget at huwag na sa pangongolekta ng travel tax.

“Ngayon kung gusto ng budget ng TIEZA, eh di kuha sila sa GAA. Huwag dito sa travel tax,” ani Tulfo.

Bilang alternatibo, sinabi ni Tulfo na ang kolektahin na lamang ng travel tax ay ang business at first class passengers.

Para naman kay Lim, maaari naman na ibaba na lamang ang kasalukuyang travel tax rates.

Sa kasalukuyan, ang full travel tax ay nasa P2,700 para sa first class passage, at P1,620 para sa economy class passage. RNT/JGC