
KAHAPON, tinalakay natin nang bahagya ang mga iskalawag na pulis sa ilalim nina ngayo’y Philippine National Police chief PGen. Rommel Francisco Marbil at ex-PNP chief PGen. Benjamin Acorda, Jr.
Naglaro sa 2,000 ang sinibak mula 2022 hanggang 2024.
Iba pa ang mga sinuspinde, dinemot, inalisan ng benepisyo, muling sineminar, pinagalitan at iba pa.
Sa ilalim ni Marbil, 5,457 ang kinasuhan ng administratibo at 2,765 ang napatunayang nagkasala.
Sa ilalim ni Acorda, may 935 na sinibak, 1,850 na sinuspinde, 242 sari-saring opisyal na dinemot, 680 na pinagalitan, 159 na inalisan ng sahod, 110 na hindi basta makalabas ng kampo at 106 na tinanggalan ng mga benepisyo o pribilehiyo o kabuuang 4,082
Sa ulat naman ni ex-PNP chief Gen. Guillermo Eleazar mula 2016 hanggang Hunyo 2021, may 5,151 sinibak at 18,664 ang pinarusahan naman ng suspensyon, demotion at iba pa kaugnay ng mga mga administratibo at kriminal na kaso.
Kung titingnan ang lahat ng mga ulat na ito, wala ni isang pangalan ang binabanggit bagama’t may mga nailalabas naman ng media at galing ang mga ito mismo sa PNP o korte o People’s Law Enforcement Board.
Walang heneral ang nakasama sa mga sinibak sa ilalim nina Marbil at Acorda bagama’t alam ng lahat na may ilan sa mga ito ang sinibak mismo ni ex-President Digong Duterte.
Ngunit ang pinakamasama sa lahat ay umabot sa mahigit 30,000 ang lumabag sa mga batas na kriminal at administratibo, kasama na ang 6,989 na sinibak.
Sa isang banda, pinupuri natin ang pamunuan ng pulisya, korte at iba pang ahensya ng pamahalaan na nagtutulong-tulong sa pagsibak at pagpaparusa sa mga iskalawag na pulis upang matiyak ang mapayapa at maayos na pamumuhay ng mga mamamayan.
Sa kabilang banda, nakatatakot talagang isipin na sa kabila ng mga aksyon laban sa mga iskalawag, patuloy ang libo-libong natatagpuang iskalawag taon-taon kahit saan.
Bakit?