Home HOME BANNER STORY Higit 300K bariles ng diesel dumating sa Subic

Higit 300K bariles ng diesel dumating sa Subic

100
0

ZAMBALES, Philippines – Tumanggap ang Philippine National Oil Company (PNOC) ng malaking diesel shipment sa Port of Subic Bay, ayon sa Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) nitong Martes, Abril 21, 2026.

Umaabot sa 44,119 metric tons o humigit-kumulang 329,505 bariles ng diesel ang dumating, bilang bahagi ng pagsisikap na palakasin ang fuel reserves at patatagin ang suplay sa gitna ng global energy disruptions.

Ayon kay SBMA Senior Deputy Administrator Ronnie Yambao, dumating ang shipment noong Abril 10 sa pamamagitan ng pasilidad ng Philippine Coastal Storage and Pipeline Corporation (PCSPC) sa Subic, na nagsisilbing mahalagang logistics hub sa emergency fuel operations.

Dahil sa agarang pangangailangan, naglabas ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ng special permit noong Marso 30 upang mapabilis ng PNOC Exploration Corporation ang pag-aangkat ng fuel.

“The special permit allows PNOC-EC to bypass standard bureaucratic and customs processes that could delay the immediate importation of fuel,” Yambao said.

Bilang bahagi ng mas malawak na plano, target ng PNOC-EC na makakuha ng hanggang dalawang milyong bariles ng langis at 22,000 metric tons ng LPG bilang buffer stock upang maiwasan ang kakulangan at pagtaas ng presyo, lalo na dahil sa instability sa Middle East.

Gayunman, tinatayang tatagal lamang ng humigit-kumulang 10 araw ang karagdagang suplay batay sa pambansang demand, na nagpapakita ng limitadong buffer.

Ang Subic Freeport, kung saan matatagpuan ang PCSPC facility, ay may kapasidad na humigit-kumulang 6.3 milyong bariles o nasa 20% ng kabuuang fuel storage ng bansa. Ito ay dating bahagi ng U.S. Naval Base at nananatiling mahalagang sentro ng distribusyon ng diesel, gasolina, at jet fuel sa Metro Manila, Central Luzon, at Northern Luzon.

Sa patuloy na pressure sa suplay ng enerhiya, lalong nagiging mahalaga ang papel ng Subic sa pag-iwas sa kakulangan at pagbawas sa epekto nito sa ekonomiya. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here