MANILA, Philippines – Magtatayo ang pamahalaang lungsod ng Quezon City ng karagdagang retention at detention ponds bilang paghahanda sa tag-ulan upang mabawasan ang pagbaha.
Ayon kay Mayor Joy Belmonte, isa sa mga proyekto ang “3-in-1” facility sa Quezon City Memorial Circle na magsisilbing parke, retention pond, at detention pond.
Kayang mag-imbak ng pasilidad ng hanggang 651 cubic meters ng tubig o katumbas ng humigit-kumulang 3,255 na drum na tig-200 litro, na makatutulong upang mabawasan ang baha sa mga kalapit na lugar.
Magkakaroon din ito ng natural filtration system na may kapasidad na 282 cubic meters o nasa 1,410 drum, kung saan ang malilinis na tubig ay gagamitin sa landscape irrigation sa lungsod. Target itong matapos at maging operational bago magsimula ang tag-ulan.
Bukod dito, mayroon nang detention basin sa ilalim ng Sta. Monica Basketball Court na kayang maglaman ng hanggang 1,700 cubic meters ng tubig. Gumagamit ito ng gravity at hindi na kailangan ng pump, at may dalawang locking mechanism upang kontrolin ang daloy ng tubig papunta sa Tullahan River.
“Ang mga flood control project po na ating ipinapagawa tulad nito, sa Gil Araneta Avenue, at sa Sta. Monica Basketball Court ay alinsunod sa ating Drainage Masterplan (DMP) na binuo ng UP Resilience Institute sa pangunguna ni Mahar Lagmay,” Belmonte said.
Ang DMP na binuo noong 2022 ay naglalayong solusyunan ang matagal nang problema sa pagbaha sa lungsod.
Ginagaya rin ng lungsod ang mga estratehiya sa Bonifacio Global City, na may 22,000-cubic-meter underground detention tank sa ilalim ng Burgos Circle. Ang tubig mula rito ay inilalabas sa mga creek na dumadaloy patungo sa Pasig River upang makatulong sa pagbawas ng baha. RNT/MND