Home METRO Higit 4,000 pamilya apektado ng baha sa Maguindanao del Sur

Higit 4,000 pamilya apektado ng baha sa Maguindanao del Sur

1
0

MAGUINDANAO DEL SUR, Philippines – Aabot sa 4,375 pamilya mula sa 10 barangay sa Sultan sa Barongis, Maguindanao del Sur ang naapektuhan ng pagbaha na nagsimula noong Hulyo 1.

Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), kabilang sa mga apektadong barangay ang Angkayamat, Barurao, Darampua, Papakan, Tugal, Gadungan, Bulod, Tukanakuden, at Masulot.

Lubog din sa baha ang maraming sakahan na pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ng mga residente. Nahirapan din ang transportasyon dahil nananatiling baha ang ilang kalsada kaya bangka na lamang ang ginagamit ng maraming residente.

Apektado rin ang mga paaralan, mosque, barangay hall, at iba pang gusali ng pamahalaan.

Wala namang naitalang nasawi o nawawala. Patuloy namang binabantayan ng mga health worker ang posibleng pagkalat ng sakit dulot ng matagal na pagbaha.

Nagsimula na ang lokal na pamahalaan sa pamamahagi ng relief packs habang nagpapatuloy ang damage assessment.

Ayon sa MDRRMO, isa sa pangunahing sanhi ng pagbaha ang matinding siltation sa mga ilog at daluyan ng tubig. Dahil catch basin ang Sultan sa Barongis, naiipon dito ang malaking dami ng tubig mula sa South Cotabato at Sultan Kudarat tuwing malakas ang ulan.

Nanawagan ang lokal na pamahalaan sa pamahalaang panlalawigan ng Maguindanao del Sur, Bangsamoro government, at mga national agency, kabilang ang Department of Public Works and Highways (DPWH), na magbigay ng heavy equipment para sa dredging at paglilinis ng mga ilog at daluyan ng tubig upang mabawasan ang pagbaha sa hinaharap. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here