MANILA, Philippines – Iginiit ni House prosecutor at Manila 3rd District Rep. Joel Chua na dapat buksan sa publiko ang BIR box na naglalaman ng income tax returns (ITRs) ni Vice President Sara Duterte at ng kanyang asawa na si Manases Carpio sa impeachment trial na magsisimula sa Hulyo 6.
Ayon kay Chua, hindi na kailangang gawin ito sa executive session dahil ang Senado ay nakaupo bilang impeachment court.
“Hindi naman po kailangan na ito ay sa executive session dahil ito po ay impeachment court na.”
Ipinaliwanag niya na katulad ng isang regular na korte, maaaring maglabas ng subpoena ang impeachment court para sa mga tax records.
Nauna nang isinumite ang selyadong BIR box sa House Committee on Justice ngunit hindi ito binuksan at ipinasa na lamang sa Senado.
Sinabi naman noon ni BIR Commissioner Charlito Mendoza na maaaring buksan ang tax records kung ang kahilingan ay “in aid of legislation” at isinasagawa sa executive session. Ngunit ayon kay Chua, ang probisyong ito ay para lamang sa mga pagdinig sa antas ng komite at hindi sa impeachment trial.
Hiniling ng House prosecution panel na buksan ang BIR box upang maimbentaryo at mamarkahan bilang ebidensya.
Una itong tinutulan ng kampo ni Duterte dahil umano sa paglabag sa due process. Iginiit naman ng prosekusyon na ang pagtutol ng depensa ay bunga ng “fear” at hindi ng legal na dahilan.
Gagamitin ng prosekusyon ang laman ng BIR box bilang ebidensya sa Article II ng Articles of Impeachment, na may kaugnayan sa mga alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman, hindi kumpletong deklarasyon sa SALN, at umano’y hindi pagtalikod sa mga interes sa negosyo habang nasa puwesto bilang bise presidente. RNT/MDS