Home LIFESTYLE HEALTH Higit 5,000 kaso ng leptospirosis naitala mula Enero ‘gang Agosto – DOH

Higit 5,000 kaso ng leptospirosis naitala mula Enero ‘gang Agosto – DOH

2
0

MANILA, Philippines – Nakapagtala ang Pilipinas ng 5,486 kaso ng leptospirosis mula Enero 4 hanggang Agosto 26, 2026, o 23% na mas mababa kumpara sa 7,163 kaso sa kaparehong panahon noong nakaraang taon, ayon sa Department of Health (DOH).

Pinakamaraming naitalang kaso ang NCR, Cagayan Valley at Central Luzon. Ayon kay DOH Undersecretary Gloria Balboa, 521 pasyente ang naitala sa Metro Manila noong Agosto 27, kung saan 158 ay na-admit sa San Lazaro Hospital.

Inaasahan ang pagdami ng mga naoospital sa susunod na dalawang linggo dahil sa incubation period ng leptospira bacteria.

Dahil dito, nagbukas ang DOH ng mga leptospirosis fast lane sa 33 DOH-retained hospitals at nagtatag ng referral networks upang maiwasan ang pagsisikip sa mga specialty hospital.

Makikipag-ugnayan ang National Kidney and Transplant Institute at Philippine General Hospital sa paglilipat ng mga pasyenteng gumagaling upang magamit ang ICU at dialysis units para sa malulubhang kaso.

Hinimok ni DOH Assistant Secretary Lester Tan ang mga lumusong sa baha na magpatingin sa loob ng 24 hanggang 48 oras, may sugat man o wala at kahit wala pang sintomas.

“Ang maagang diagnosis at treatment sa loob po ng dalawang araw mula na magsimula ang mga sintomas ay makakatulong po upang maiwasan ang mga komplikasyon ng sakit at ang pagkaka-ospital,” aniya.

Binigyang-diin ni Tan na ang hindi nagamot na leptospirosis ay maaaring magdulot ng kidney failure, liver damage, meningitis, o multi-organ failure.

Tiniyak naman ng DOH na may sapat na suplay ng mga antibiotic, kabilang ang doxycycline, sa mga health center, LGU facility at DOH hospital. Gayunman, dapat itong inumin lamang ayon sa reseta ng doktor. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here