MANILA, Philippines – Higit 5,000 katao ang nananatili pa rin sa evacuation centers sa Negros Occidental matapos ang pagsabog ng Bulkang Kanlaon nitong Martes ng madaling araw.
Karamihan sa evacuees ay mula sa Bago City, La Carlota City, at La Castellana. Apektado pa rin ang hindi bababa sa 21 barangay dulot ng mga naunang pagsabog noong Disyembre 2024 at Abril 2025.
Ayon kay OCD–NIR Regional Director Donato Sermeno III, walang nadagdag sa bilang ng evacuees at wala nang naninirahan sa loob ng six-kilometer permanent danger zone.
Umabot hanggang Bacolod City ang ashfall. Bagamat wala nang kasunod na pagsabog, posibleng magkaroon pa ng aktibidad ayon sa mga awtoridad. Nananatiling nasa Alert Level 3 ang Kanlaon. Santi Celario