MANILA, Philippines – INANUNSYO ng Department of Migrant Workers (DMW) na nagkaloob ang Saudi government ng six-month grace period para sa mga undocumented overseas Filipino workers (OFWs), partikular na sa mga ‘runaway’ domestic workers, para gawing regular ang kanilang katayuan.
Sinabi ni DMW Undersecretary for Middle East and African Affairs Jainal Rasul Jr. na inanunsyo ng Ministry of Human Resources and Social Development (MHRSD) ang correction period para sa illegal domestic workers sa Saudi Arabia.
“Ito yung mga runaway workers, those declared as absent or ‘huroob’. So binibigyan sila ngayon ng another six months ng Saudi government to regularize their stay. Ibig sabihin maghanap sila ng panibagong amo na pwede silang bigyan ng ‘iqama’,” ayon kay Rasul.
Ang “Huroob” ay tumutukoy sa mga manggagawa na lumayo mula sa trabaho nang walang permiso o tumangging magtrabaho o tumakas sa kanilang sponsor.
Sa Saudi Arabia, ang isang manggagawa na isinumbong bilang isang “huroob” ay nagiging ilegal at nawawala ang kanyang legal rights, salary dues, at service benefits, bukod sa iba pa.
“Ito yung magandang development kasi para maiwasan yung mga patago tago lang na mga kababayan natin sa Saudi Arabia. This grace period will last for six months, meaning, effective May 11 up to November 10,” ang pahayag ni Rasul.
Pinangunahan ni Rasul ang Philippine labor mission sa Saudi Arabia mula May 1 hanggang 10 para sa konsultasyon kasama ang mga opisyal ng MHRSD at Philippine government posts sa iba’t ibang lugar sa Riyadh, Buraidah, Al-Khobar, and Jeddah.
Aniya, ang inisyatiba ng Saudi government ay magbibigay sa mga undocumented Filipino workers ng ‘legal na landas’ para itama ang kanilang katayuan at iwasang magtago.
Sa panahon ng six-month grace period, ang mga manggagawa ay maaaring kumuha ng bagong sponsor nang hindi nagbabayad ng immigration fines, na karaniwang SAR600, o humigit-kumulang na P9,000, o higit pa, depende sa haba ng pananatili.
Taliwas sa mga nakaraang taon, sinabi ni Rasul na naobserbahan nila ang pagbaba ng bilang ng mga “runaways” na naghahangad ng tulong ngayong 2025.
Aniya pa sa Riyadh, mayroon lamang 100 babae at 45 lalaki ang runaways.
Ang bilang ay medyo mas mataas sa Jeddah, idagdag pa rito, karamihan ay pinoproseso para sa repatriation.
Sa Al-Khobar, mayroon lamang aniyang 50 kaso, mayorya ay mayroong exit visas.
Samantala, nagbabala naman si Rasul sa mga undocumented Filipinos, lalo na sa mga nagtatrabaho sa sektor gaya ng mga salon at beauty shops, na manatiling maingat sa gitna ng pagtaas ng immigration patrols, lalo na sa Jeddah.
Aniya, pinaigting ng mga awtoridad ang pag-inspeksyon nito kung saan target ay ang LGBTQ+ o lesbian, gay, bisexual, transgender, queer or questioning, intersex, asexual, at higit pa.
Samantala, muli namang inulit ng DMW ang panawagan nito na igalang ang lokal na kaugalian at batas. Kris Jose