Home TOP STORIES Higit 60% ng Pilipino kontento kay PBMM — Survey

Higit 60% ng Pilipino kontento kay PBMM — Survey

Manila, Philippines — Nakapagtala ng 61.8% satisfaction rating ang Tanggapan ng Pangulo ayon sa pinakabagong survey ng Tangere, na nagpapakitang ito ang may pinakamataas na marka sa lahat ng sangay ng pamahalaan sa ilalim ng ehekutibo. Ang resulta ay mas mataas ng 10% kumpara sa naunang datos, bunsod ng suporta mula sa mga nasa socio-economic class D at E, gayundin sa mga nakatira sa kanayunan.

Kabilang sa mga dahilan ng pagtaas ng kasiyahan ang paunang pamamahagi ng PhP20 kada kilong bigas, mga proyektong patubig na nagbunga ng dobleng ani para sa mga magsasaka, pagbuti ng pasilidad sa kalusugan lalo na sa pediatric care, at ang pamimigay ng mga yunit ng pabahay ng National Housing Authority (NHA).

Pati ang mga miyembro ng gabinete ni Pangulong Marcos ay nakapagtala rin ng pagtaas sa satisfaction rating — mula 49.4% noong nakaraang survey ay umangat ito sa 51.9%.

Samantala, ang Tanggapan ng Pangalawang Pangulo sa ilalim ni VP Sara Duterte, na kasalukuyang nahaharap sa impeachment trial sa Senado, ay nagtamo ng 48.4% satisfaction rating.

Ang Philippine National Police (PNP) naman, na nasa ilalim ng Department of Interior and Local Government (DILG), ang may pinakamababang satisfaction rating sa hanay ng ehekutibo sa 44.4%.

Sa hanay ng lehislatibo, nanguna ang Mababang Kapulungan sa pamumuno ni Speaker Martin Romualdez na nakakuha ng 55.7% satisfaction rating. Ang Senado ay nagtamo naman ng 49.5%, na isang pagtaas mula sa nakaraang buwan.

Nanatiling positibo ang pananaw ng publiko sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas (AFP), kung saan ang average satisfaction rating ng tatlong sangay ay nasa 60%. Nanguna ang Philippine Army (60.2%), sinundan ng Philippine Navy (59.8%), at Philippine Air Force (58.5%).

Sa kabila ng mababang awareness rating, nagtala ang Korte Suprema sa ilalim ni Chief Justice Alexander Gesmundo ng 45.2% satisfaction rating, batay sa mga respondent na pamilyar sa kanilang trabaho.

Ang Commission on Elections (COMELEC) sa ilalim ni Chairman George Garcia ang may pinakamataas na rating sa mga independent constitutional commissions, na umabot sa 53.0% — bunga ng paghahanda para sa nalalapit na midterm elections. Sinundan ito ng Commission on Audit (43.5%) at Commission on Appointment (43.0%).

Isinagawa ang hindi kinomisyong survey noong Mayo 8–9, 2025 sa pamamagitan ng mobile-based respondent application. May kabuuang 1,500 kalahok mula sa buong bansa (±2.48% margin of error, 95% confidence level) gamit ang Stratified Random Sampling (Quota Based Sampling). Ang distribusyon ay 12% mula NCR, 23% Northern Luzon, 22% Southern Luzon, 20% Visayas, at 23% Mindanao.

Ang Tangere ay isang kilalang kompanyang gumagamit ng teknolohiya at inobasyon sa pananaliksik sa merkado. Kaanib ito ng MORES, ESOMAR, at PANA, at isa sa mga unang rehistradong kompanya sa COMELEC. RNT